Friday, May 22, 2009

Abangan: Battle Reports: silentbreacher and mechwarrior2000

Paumanhin muli sa inyo mga katoto, mejo naadik na ang inyong abang lingkod sa paglalaro at pagsasanay sa CoH. Subalit wag mabahala, 2 Battle Reports ang tinatapos ko ngayon, sa pagitan ng inyong abang lingkod at mechwarrior2000 laban sa axis at ang 1 on1 na laban ko. :)

Wednesday, May 13, 2009

Sa Wakas!!!!!!

Nakuha ko na rin ang Company of Heroes : Tales of Valor ko na binili ko sa play-asia.com . Tama nga ang sinabi ng karamihan, matagal man. Darating rin.

Nakuha ko ang DVD ko nung isang araw, pagkadating na pagkadating ng notice eh sinugod ko agad ang post office para makuha na ang pinakaaabangan na item ko ngayong taon. Anyway, so far so good. Nawindang lang ako nung una nung nag-try ako mag-automatch dahil wala na palang hintay2x un, salpak agad! Laban agad~!

Sa kabilang banda, gaya kahapon, ay nakaranas ako ng unang drop hack sa akin, lamang sya ng mga 10 points sa victory point sa angoville habang ako naman ay abala sa pagbawas ng mga tao nya at resources ng bigla itong lumayas at ang winning point ay napunta pa sa kanya, galing no? Pano kaya ito sinusolusyonan ng Relic Online? Hmmm....

Pero kahapon ay may nakalaban ako na PE na level 7 at masasabi kong nanibago ako sa Scorched Earth tactics na ginawa nya. Dahil bago, shempre, talo ako. hehehe.

Gayunpaman, gustong gusto ko na makalaro ang mga taga TPC na naging masigasig at naging ilan sa mga sumusuporta ng site na ito :)

Hanggang dito na lang muna, asa trabaho pa ko, maghahanap muna ako ng mga replay na pwede mapanood.

Sunday, May 10, 2009

Battle Report: Team Pinoy (Allies) Vs. Chekwa (Axis)

Mapa: Montargis Region

Shoutcast File: Sundan ang link na ito.

Replay File: Sundan ang link na ito. Mapapanood ang replay gamit ang CoH version 2.502

Allies:
Mechwarrior2000 (Royal Commandos)
IRyakuza (Armor)
noyp (Infantry)
CHESTERILIZERph (Armor)

Axis:
BigPower
Monjyu
emon
Seoul

(Hindi sigurado sa doctrines ng mga kalaban, pero sigurado akong may gumamit ng Scorched Earth tactics)

Paganda ng paganda ang mga inihahatid na mga replays ng ating kaibigang si Mechwarrior2000 (kulangot sa tipidpc.com). Sa pagkakataong ito, isang 4 on 4 na sagupaan ang ating matutunghayan sa post na ito.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na makikita ko ang Montargis Region na malaro sa sistemang Victory Points at masasabi kong patas naman ang pagkakagawa sa mapang ito. 2 VP's ang malapit sa pagitan ng mga manlalaro na nasa hilagang parte ng mga base, sa pagkakataong ito, si noyp at Seoul ang magtatagisan ng kanilang lakas sa pagtangay sa mga points na ito. Sa kabilang banda, ang 3 nalalabing victory points ay paglalabanan ng mga natitirang manlalaro.

Nagsimula ang mga allies (IRyakuza at CHESTERILIZERph) na gumawa ng WSC at si noyp at Mechwarrior2000 ang naging mga pointman (si noyp ay nagsimulang gumawa ng barracks at si Mech ay nagupgrade ng Speed Governors mula sa kanyang mobile HQ). Hindi nagpasintabi ang mga Allies at isa isa itong rumonda at tumanod sa mga kani-kanilang mga points na nais makuha.

Ang unang agresibong galaw ay namataan sa Panzer Elite na si Big Power, sinugod ng kanyang kettenkrad ang pinakamalapit na fuel point sa bandang hilaga ng pinagmulan ng base ni Mech at sinimulang kunin ang strategic point. Ngunit sa mga oras na ito, upgraded na ang kanyang MobileHQ at humanap ng ibang mapagkukunan ng supplies. Kasama nya ang Recon element na nagsimulang kumuha ng fuel point, sa taas lamang ng point na nakuha ng kettenkrad.

Isang nakakatawang tagpo ang sumunod. At masasabi ko rin na delikado sa mga susunod na mga pangyayari. Habang nagccap ang mga recon element ay nag-aabang ang mobile HQ ng mga briton at ang ketten ni BigPower ay nagsimulang mang-boxout sa dambuhalang HQ. Imbes na putukan ang naganap. Naging laro ito ng patintero. Ngunit napalapit rin ang HQ sa sa point at napilitanang ketten na maghanap ng ibang paglalaruan. Kinuha nito ang munitions point sa kanluran ng fuel point ng mga briton.

Ang mga kano (IRyakuzA at Chester) naman ay nakuha na ang mga fuel point na nasa gitna ng mapa. Habang si noyp ay nagkaron na ng unang contact sa itaas na bahagi ng mapa.

Sa tagpong iyon ay nagkaron agad ng mga matinding engkwento ang Allies at Axis. sa itaas ay napwersa ng mga kano na putulin ang mga munitions point, habang ang mga Panzer Elite ay nagsimula agad sa pangharabas sa base ng mga briton. Ang mga points naman na hawak ng Axis ay sinubukang nakawin ng mga allies, ngunit nabigo sila dahil sa booby traps na naimplanta ng mga oras na iyon.

Nasimulan na rin ng mga briton na gumawa ng mortar emplacement bilang depensa sa base, ngutnit sa mga oras na ito, punit ang mga supplies sa mga briton salamat sa mabilis na mga kettenkrad na mabilis na kumuha ng mga strat points. Ngunit hindi rin nagtagal at nakuha rin ng mga Allies ang ibabang bahagi ng mapa...

Ang Kalbaryo ni Mechwarrior2000...

Sa mga sandaling iyon, isang Infantry Halftrack ang nakapuslit sa silangang bahagi ng kanyang base. Habang paparating ang kanyang Field Support Truck, ay nagsimula itong mang-harass ng mga Allied infantry. Nagawa nitong makapasok sa ilallim na bahagi ng base at pinutol ng mga PE Grenadiers ang muni point, ang 2 Infantry Section ni Mech ay napaatras at napasabog rin ang Bren Carrier.

Sa mga oras na ito ay napwersa rin ng Axis ang fuel point na hawak ng mga kano at halatang may masamang binabalak sa mga briton na naputulan ng supplies. Hindi nag pahinga ang mga Infantry Section paguwi sa base at agad itong gumawa ng Casualty Clearing Station, dahil alam nilang masama ang magiging lagay nila kung wala ang gusaling ito. At mayron na ring Light AT Halftrack na nagsisimula nang magbigay ng problema kay Mechwarrior2000.

Sinisimulan namang bawiin ang mga fuel point sa itaas, ngunit hindi natatapos ang kalbaryo ni Mech, dumating ang mga karagdagang pwersa ng mga Grenadiers at pinasok na ng tuluyang ang kanyang base, nagpaulan ng mga incendiary grenades sa mortar emplacement at sunod sunod na patayan ang naganap, mabuti na lang at naisip agad ni Mech na gawin ang gusaling magliligtas sa kanya sa tagpong ito.

Sunod-sunod na mga katawan ng Briton ang bumagsak sa lupa, duguan at namimilipit sa sakit sa mga pinsalang natamo nila sa mga Aleman. Ngunit ang mga maaagap na medic ng Casualty Clearing Station ang nagtayo sa kanila at binalik sa gusali para gamutin, ilang sandali pa'y nabuo ulit ang squad at nakipaglaban, subalit sadyang malakas ang mga Gewehr 43 ng mga Aleman at isa isa nilang pinatumbang muli ang mga Briton.

Sinubukan ng mga Flame engineers ni CHESTERILIZERph na tumulong sa kakampi, ngunit namataan sila agad ng infantry halftrack at napilitan uling umuwi.
Hindi nagpaawat ang Panzer Elite. Sa hilagang parte ng base ng mga briton, nagpaulan ang mga Mortar Halftrack ng incendiary rounds sa slit trench ng mga briton. habang unti unti namang nanghihina ang mga tao nila sa ibaba na suportado pa rin ng Infantry Halftrack. Salamat sa M8 Armored Car ni Chesterilizer, nataboy na rin sa wakas ang infantry ng mga axis sa base ni Mech.

Pansamantalang natigil ang gulo sa base ni Mech, ngunit naghihingalo na ang Mobile HQ at sa tagpong ito, nagawa naman ni Noyp na makuha ang lahat ng munitions point sa itaas bagamat putol pa rin dahil walang nakakunektang sector at nabaling ang atensyon ng mga Axis dahil 3 sa mga victory points ay hawak na ng mga Allies.

Sinubukan muli ng PE na mangharass sa mga briton ngunit nakabangon na ito sa kanyang pagkakalugmok at pinakita na handa na ang mga briton sa kanilnang depensa, pinasabog ng mga briton ang mayabang na infantry halftrack sa loob ng ilang segundo. Ang mga sappers naman ay masayang gumagawa na ng 17 ponder AT gun na tamang tama ang pwesto para sa panganib na maaring dumating.

Sa gitnang bahagi naman ng mapa. Isang T17 armored car ang sumabog salamat sa PAk38 ni emon na nakatago sa firing range nito. Sumugod ang mga Volksgrenadier sa pulutong ng mga engineers ngunit nakatapak ng tae este mines ang mga ito at habang inisa-isa silang paslangin ng sniper. Nagawa rin ng mga engineers na patayin ang AT crew na nagpasabog sa T17 armored car.

Ang ikalawang kalbaryo ni Mechwarrior2000.

Isang matinding opensiba pala ang plinano ni BigPower at Monjyu. Mula sa kaliwa ng base ni Mech, dumating ang mga pulutong ng Panzer Elite. Agad na napasabog ang Mobile HQ ni Mech salamat sa mga Heavy Tank Buster infantry ni Monjyu, Habang ang mga pwersa naman ni BigPower ay nagsimulang palambutin ang depensa ng mga briton, nagpaulan sila ng mga granada st mortar ni Mech habang ang mga briton ay nagaagaw buhay na lumalaban para sa depensa ng kanilang base.


Ngunit sa hindi maipaliwanag na pangyayari umatras agad ang pwersa ni BigPower, naiwan ang mga Tank Busters at nagawa nitong pasabugin ang mortar emplacement at bigyan ng kritikal na lagay ang AT gun. Bumalik si BigPower kasama ang Panzer Infantry Support Tank ngunit hindi ito nagtagal dahil napwestuhan ng mga briton ang AT battery.

Muling nagpadala si Mech ng Mobile HQ at nagdelpoy ito malapit sa kanyang pinagmulan. Ang mga nagsiuwiang pulutong ni BigPower ay nagbalik at sinugod ang bagong MobileHQ ni Mech, ngunit nakaparada sa base ng mga briton ang M4 Sherman ni ChESTERILIZERph at sinimulang manadtad ng M4 sa kalaban.

Ang Higanti ni Mechwarrior2000.

Habang abala ang M4 Sherman sa pagatake, isang Stuart Light tank ang nagaabang ng tamang tyempo sa blob na nakikipaglaban sa tangke ng amerikano, lumapit ang Stuart tank at ito ang sumunod na eksena:

Isang scatter shot mula sa Stuart Light Tank ang kumarne sa PE blob. Napauwing luhaan ang Axis na sumugod sa kanilang base. Lingid sa kaalaman ng Axis, napako na ang Allies sa 431 VP laban sa kanilang na may 293 VP na lamang.


Nasakop na rin ng Allies ang mga munitions point sa itaas ganun rin ang mga fuel point sa gitna.

Hindi nawalan ng loob si BigPower, dinala nya muli ang bagong pulutong at muling umikot sa base ni Mech, sa pagkakataong ito, hindi na sya swinerte, dahil ang armor ni Chester ay naroon na at malulusog lahat ang infantry ni Mech, naging sementeryo ng mga Axis ang ibabang bahagi ng base ni Mech pagkatapos. Si noyp naman ay abala sa itaas na bahagi ng mapa gayundin si IRyakuzA.

Dahil sa pinsalang tinamo ni Mech, nagkaroon ng pagkakataon ang mga Amerikano na magpalakas at magpadala ng sangkatutak na armor. Bagamat matitibay ang mga tangke ng mga Aleman, ang kakaibang dami ng mga tangke ng mga Amerikano ang nagsara ng panalo ng mga Allies.

Bago natapos ang laban, nagawa pa ng PE na bumira pa sa base ni Mech ngunit hindi na ito nagtagumpay.

Nagdeklara ng GG ang mga pinoy sa oras na 28:56.
Kalakasan ng Allies:
  • Maagang pagtanaw sa mga key points ng mapa. Ang munitions sa itaas (noyp) at ang fuel points sa gitna (IRyakuzA at Chesterilizerph)
  • Buong tapang na pagapela sa atake ng Panzer Elite (Mechwarrior2000)
  • Suporta at komunikasyon (Team Pinoy)
Kahinaan ng Allies:
  • Madaling maputulan ng supplies (sa simula ng laban)
Kalakasan ng Axis:

  • Maagap na pagtaboy sa mga points na nakuha ng Allies
  • Pagsira sa diskarte ng mga Briton (na nagdala rin sa kanilang kapahamakan)
Kahinaan ng Axis:

  • Sobrang pagpokus ng atensyon sa nanghihinang pwersa ng mga Briton
  • Kulang na partisipasyon ng Wehrmacht.
Sa aking pananaw, ang pinakamalaking pagkakamali ng Axis ay ang sobrang atensyon na ibinigay nito sa base ni Mechwarrior2000. Oo nagmukhang kawawa nga si Mech, pero hindi na nila binigyan ng pansin ang pagputol sa supplies ng Allies, sa mga unang parte ng laban, kapansin-pansin ang paghihirap ng Allies dahil nga putol2x ang kanilng supply routes at hindi ito ang pinagtuunan ng pansin ng Axis.

Gayundin ang mga kakamping Wehrmacht ng Axis. Hindi ko sila nakitang gumawa ng mga hakbang para isara ang mga points na nakukuha nila sa Allies.

Sa parte ng Allies, ang komunikasyon ang naging susi sa kanilang pagkapanalo. Gayundin ang tatag ng mga Briton bagamat nagulpi ito sa laban.

Ayan. Natapos na rin sa wakas ang Battle Report mga kaibigan. Mag-iwan kayo ng comment kung me iba kayong mga kuro-kuro sa labang ito. Muli kong pinasasalamatan si Mechwarrior2000 para sa kanyang replay na ibinahagi sa araw na ito. Hanggang sa muli! Mag-comment kayo ah! :D

P.S.

Panoorin ang replay at shoutcast, ilang parte sa post na ito ay nabura, salamat sa Bayagtel.

-silentbreacher

Wednesday, May 6, 2009

Patalastas mula sa Pinoy CoH

Nananawagan ako sa mga hayok sa Company of Heroes, ang Pinoy CoH ay kasalukuyang naghahanap ng karagdagang manunulat sa ating blog. :)

Para sa mga interesadong nilalang na nais maging bahagi ng ating blog, mag-reply lang sa post na ito. Maraming salamat! :D

Sa ibang balita... Abangan ang panibagong Battle Report at ipinapangako kong pagsasamahin na ang BR at ang shoutcast (as per public request).

Isa pa pala, para sa mga pinoy na kasalukuyang naglalaro na ng 2.502 ngunit hindi pa nakakapaglaro sa RelicOnline, maari tayong magkita-kita sa hamachi, eto po ang network details:

networkname: tipidpcpinoycoh
password: 123 o coh (pakisubukan na lang ang dalawa, nalimutan ko kng alin ang tama) :p

Maari nyong makalaro ang inyong abang lingkod pag weekdays mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. At buong araw naman online ang inyong abang lingkod pag weekends.

Hanggang sa muli!

Sunday, May 3, 2009

Battle Report: Mechwarrior2000 (Terror) Pantherace23 (Blitzkrieg) Vs. Airbone and Royal Engineers

Ito ang unang pagkakataon ko na gumawa ng isang shoutcast sa 2 on 2 na labanan mga kaibigan kaya't pagpasensyahan nyo na ang aking boses kung sakaling mahina at paos na ang inyong abang lingkod. Salamat sa 2 rounds ng umaatikabong laban kanina nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton at ano ka ngayon tandang Floyd? "Where your stallion?" Mwehehehe!

Balik tayo sa laro. Ngayon ipapalamalas ng ating mga kaibigan na sina Mechwarrior2000 (kilala bilang si Kulangot sa tipidpc.com) at Pantherace23 (kilala rin bilang si charm091 sa tipidpc.com) ang kanilang talento sa paggamit ng kanilang mga nalalaman sa pakikibakapaglaban sa mga Amerikano at Briton.

Hindi ko na ibibigay ang buong detalye ng laban dahil naroon na sa ating shoutcast ang buong kwento ng laban.

Nais kong magpasalamat kay kulangot sa kanyang pamamahagi ng kanyang pakikipagtunggali laban sa mga banyagang manlalaro.

I-download ang mga mp3 na ito at magsimula sa 5 second mark.

At i-download naman ang replay ng laban na inihandog sa atin ni Mechwarrior2000 a.k.a. kulangot Narito ang file.

Mapapanood ang laro sa COH: Tales of Valor 2.502

Panoorin at saksihan ang umaatikabong laban sa pagitan ng 4 na manlalaro! Ayos!